Recent entries

August, July, June

Panalangin para sa proteksiyon sa mga kaaway at kasamaan

Panalangin para sa proteksiyon sa mga kaaway at kasamaan

“O, Panginoon, aking Diyos, sa iyo ko nasumpungan yaong aking minimithi at hangad na kaligtasan, Iligtas mo ako sa pag-uusig ng mga kaaway, Tinutugis nila ako, hindi sila naglulubay” — Awit 7:11

Mahal na Diyos, mangingibig ng aking kaluluwa, ikaw ang pinakadakilang kaibigan at tagapangalaga na ikalulugod ninuman. Kaya, pakiramdam ko ay maibubuhos ko sa iyo ang laman ng aking puso ngayon pagkat alam mo nang labis-labis ang sakit at panangis niyaring puso ko!

Pakiramdam ko ako’y nag-iisa at hindi maintindihan, mahal na Ama. Mga tao’y sobrang lupit at hindi makatarungan sa akin! alam mo kung gaano kadali nilang hanapan ako ng pagkakamali at ako’y sisihin. Oo, alam mo kung sinu-sino sila at kung paano nila pinahihirap at winawalang kabuluhan ang aking buhay!

Ayaw ko silang gawan ng anumang masama, Ama, ngunit madalas kong mapag-aralang walang dahilan para tratuhin nila ako nang ganoon. Ay, totoong sinusubok kong maging mabait at matulungin sa kanila, subalit mayroon talagang ilan sa kanila na ayaw umunawa at magpahalaga sa akin.

Sana tulungan mo akong maunawaan ito, mahal na Panginoon. Kung may ginagawa akong anuman na nagbubulid sa kanilang umakto nang ganoon, sana ay tulungan mo akong magbago! Ngunit kung ang kamalian ay hindi ko kagagawan, Ama, sana ay tulungan mo akong patawarin sila, pagkat tunay na hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa!

At kung ako man ay mangambang muli, mahal na Ama, ipaalala mo sa akin na kung ikaw ay kasama ko, walang sinuman ang makaaano sa akin. Alam kong ikaw ay nasa likod ko lamang kaya hindi ako dapat matakot kaninuman. Ito ay mas nagpalakas pa sa akin, mahal na Pnginoon sobrang lakas kaya’t nadarama ko talaga na hahayo na ako mula rito at hindi nangangamba sa anuman, kahit anuman! Amen.

Tags:
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

Panalangin para mas lumalim, lumakas ang pananalig sa Diyos

Panalangin para mas lumalim, lumakas ang pananalig sa Diyos

“Pinagpala ang taong sa Panginoon ay nagtitiwala” — Awit 40:4

O Diyos at Ama namin, ikaw ay dakila, kahanga-hanga, at walang hanggan! Gayunman, ka mangha-manghang malaman na sa kabila ng iyong kalakhan at kapangyarihan, kilala mo ako na isang hamak na nilalang! Mahal mo ako talaga at nag-aalala ka para sa akin, tulad ng pag-aalala mo sa isang mahal, munting bata.

Mahal na Ama, tunay na hindi ko nauunawaan ang dahilan ng mga nangyayari sa akin at sa aking mga mahal sa buhay. Hindi, hindi ko lubos maunawaan kung bakit kailangang dumanas kami ng pasakit at kasamaan at paghihirap sa buhay, mahal na Ama.

Subalit nais kong ang aking pananalig ay talagang manaig para hindi ko na kailangang maunawaan na ang kailangan ko lang ay magtiwala sa iyo at sa takdang panahon, lahat ay maipaliliwanag sa akin!

Madalas kapag ako’y nasa labas at naglalagalag sa mundo, mahal na Ama, tila ba napakalayo mo sa akin. Tuloy, nakakalimutan kita nang madalas. Pero sana, mapagmahal na Ama, ay huwag mo akong kalilimutan! Pagkat sa kaibuturan ng aking puso talagang alam ko kung gaano kahirap magpatuloy sa buhay kung wala ka.

Kaya sana, mahal na Ama, bigyan mo ako ng mas malalim, mas malakas na pananalig sa iyo. Tulungan mo akong makilala ka bilang isang minamahal at mabuting Ama, na laging andiyan lang at handang tumulong at protektahan ako.

Iyan ang nadarama ko ngayon habang dinadalangin ko ito, aking Ama. At iyan ang lagi kong nais na maramdaman. Mananalig ako, mahal na Ama. Mananalig ako! Amen.

Tags: ,
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »