Panalangin para punuin ng Diyos ng kanyang ganda at ligaya ang aking buhay
“Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwanag, sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan” – Azvit 97:11
Makapangyarihang Diyos, aking Ama sa langit, walang hanggan ang iyong kapangyarihan, kaluwalhatian, at pag-ibig. Tanging sa iyo nagmumula ang lahat ng kaligayahan. Ikaw lamang ang maaaring makatulong sa akin.
Alam mo, mahal na Ama, kung gaano kadalas akong malungkot. Alam mo kung gaano karami ang mga kaguluhan at kabiguang dinanas ko napakarami nang mahal ko sa buhay ang umalis, laging masama ang aking pakiramdam. O, Ama, naiisip minsan ko na tila yata lahat na ng kamalasan ay nangyayari sa akin na anuman ang gawin ko ay namamali.
Tulungan mo akong maalala, mahal na Ama, na ibig mong lumigaya ang lahat ng iyong mga anak. Pakinggan mo ang pintig ng aking puso, Ama. Alam mo kung gaano katagal ko nang minimithi ang umibig at ibigin, maging mabait at pakitaan ng kabaitan, magpaligaya at lumigaya. Kaya sana, mahal na Ama, punuin mo muli ng ganda at ligaya ang aking buhay.
Ibigay mo sa akin ang susi sa kaligayahan. Turuan mo ako na ang pagbibigay ko ng ligaya sa ibang tao at ang pagsunod ko sa iyong Gintong Aral (Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.) ay ikapagtatamo ko ng tunay na kaligayahan. At oo, alam ko na ang gantimpala ko sa pagtulong sa iba ay ang matagpuan ko ang ngayon sa iyong kaharian ng kaligayahan dito ngayon sa kasalukuyan.
Ang tanging hiling ko, mahal na Ama, ay dinggin mo ang aking tinig at ipaiialim mo ako sa lilim ng iyong pag-ibig. Oo, kahit na ang pagkausap ko sa iyo sa tuwing ako’y nalulumbay, gaya ngayon, ay labis na nakapagpapaligaya sa akin. Tunay na nadarama ko ang wagas na kapanatagan, kaligayahan, at kapayapaan na bunga ng iyong pag-ibig! Amen.
Tags: Panalangin para punuin ng Diyos ng kanyang ganda at ligaya ang aking buhay
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »
Panalangin para sa Panloob na ningning at halina
“Lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa panahon ng kanyang pamamayani” – Ecclesiastico 3:11
Kahanga-hanga at makapangyarihang Ama, sa iyo ang kapangyarihan sa lahat ng kapang-yarihan. Sa iyo ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang walang hanggang bukas. Sa iyo ang kaluwalhatian na nagpapaningning ng mga mukha niyaong mga nagmamahal sa iyo nang tapat.
O, Ama, alam mo lahat kami ay hindi magiging maganda ang katawan. Alam mo na minsan kami’y napapagod at nawawalan ng gana, at tila kami’y iyong napababayaan. Minsan nga ganyan ang pakiramdam ko, mahal na Ama, ngunit alam ko na hindi ganyan ang dapat madama niyaring anak mo.
Pagkat tunay na nalalaman ko na kami’y binigyan mo ng kapangyarihang mapuspos ng tuwa, panloob na ningning, at panghalina. Lahat ng ito ay mula sa iyo, mahal na Ama. Mula sila sa isang banal na espiritu at mapagmahal na puso.
Sana, Ama, bigyan mo ako ng gayon ding puso at espiritu. Bigyan mo ako niyaong liwanag na nagmumula sa isang mapagmahal at mabuting anak ng Diyos. O, Ama, nais kong itanglaw ang gayong liwanag sa mga taong minamahal ko. Nais kong ang ningning ng liwanag na yaon ang magsilbing patotoo kung gaano kalaki ang pagbabagong ginawa mo sa akin. Nais kong lumapit sila sa iyo dahil nakikita nila kung ano ang naging kahulugan ng pagmamahal mo sa iyo.
Mahal na Ama, kahit kadarasal ko pa lang, nadama ko na pinupuspos ng iyong kapayapaan ang aking espiritu, ang iyong pag-ibig ay pumipintig sa aking puso. Itinaas ako ng iyong espiritu kaya pakiramdam ko ngayon ay muli akong makasusulong nang may ningning, puno ng tuwa at ng iyong liwanag at pag-ibig! Amen.
Tags: Panalangin para sa Panloob na ningning at halina
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

