Panalangin para sa Kalusugan at Paggaling
“Ilalayo kayo ni Lord sa mga karamdaman” – Deuteronomio 7:15
Mahal na Ama sa langit, na tinitingala ng lahat ng mga tao, panatilihin mong bukas ang puso’t isip ko na sa sandaling ito ng pananalangin nang igawad sa akin ng iyong mapag-mahal na puso ang lahat ng kalusugan at kagalingan.
Pagkat ako’y naging nag-alala sa aking kalusugan, mahal na Ama. Minsan tila ba ang sakit at pag-aalala, pagod at kirot ay sinasaid ang kahuli-hulihang lakas ng aking katawan.
Alam kong mahabagin ka, mapagmahal na Ama, pagkat sinubaybayan mo habang naghihirap at dumaraing maging ang iyong anak na si Hesus. Kaya tulungan mo ako, ang iyo ring anak, sa aking kahinaan at pagbata ng hirap at pasakit.
Tunay na pinasasalamatan kita dahil sa iyong mga tagapaglingkod ang mga manggagamot at ang kanilang mga panlunas, Ama. At nawa’y madama nila na sila’y talagang karapat-dapat na mga tagasunod ng Dakilang Manggagamot. Sana’y gabayan mo sila para magampanan nila ang kanilang tungkuling ako’y pagalingin.
Nais kong gumaling hindi lamang para sa aking sarili, mahal na Panginoon, kundi para sa aking mga mahal sa buhay na umaasa sa akin at para sa iyo, upang muli akong makatugon sa tungkuling iniatas mo sa akin. Kaya sana, Ama ng kalusugan, pagbigyan at pagpalain mo ako.
At ngayon, Ama, sa pagtatapos ng aking dalangin, tunay na nadarama ko ang init na siyang lakas ng iyong espiritong nagpapagaling sa aking kaluluwa at katawan. Tunay na nadarama kong ako’y mas malakas ngayon at punung-puno ng pag-asa. Salamat sa iyo, aking Ama. Ako’y nananalig sa iyo at ako’y umaasa sa tulong mo at iniisip ko pa lamang iyon ay napupuno na ako ng pag-asa at kapayapaan. Amen.
Tags: Panalangin para sa Kalusugan at Paggaling
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »
Panalangin para Gabayan Ako ng Diyos sa aking misyon sa Buhay
“Mapalad ang taong nagagalak na magsaliksik ng banal na aral ni Lord … anumang gawin niya ay tiyak na magtatagumpay” — Mula sa Awit 1
Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, ikaw ang Manlilikha ng buong daigdig. Bawat dahon ng damo ay bilang mo at bawat patak ng tubig ay hindi kaila sa iyo. Bawat bato sa dalampasigan ay may sariling lugar sa iyong dakilang piano.
At alam ko at nadarama ko na bawat sandali ng aking buhay ay pinaglaanan at pinlano mo na sa gayong paraan, mahal na Ama. Alam ko na paglalaanan mo ako ng mga kailangan ko at gagabayan mo ako patungo sa lugar na kung saan mapaglilingkuran kita nang buong husay.
O, Ama, pinasasalamatan kita para sa trabahong ibinigay mo sa akin. At bago ako humiling ng ibang gawain, tunay na pagsisikapan kong isagawa ang trabahong ito nang buong husay. Ngunit minsan nadarama ko na mayroon akong mga kakayahang hindi ko pa napamumukadkad. Minsan pakiramdam ko’y kaya kong gawin ang iba pang klase ng trabaho na mas makalulugod nang higit sa iyo at sa aking mga mahal sa buhay.
Tulungan mo akong mahanap yaong ganoong uri ng trabaho kung yaon ay bahagi ng iyong dakilang plano, mahal na Ama. Turuan mo akong magkaroon ng pananalig sa iyo at sana ay matuto ako kapag nalaman ko na kung ano ang tamang trabaho para sa akin na huwag mabahala kaninuman sa paghanap ko sa trabahong yaon. At pagkat ikaw ay sumusubabay sa akin, ano pa ang darating sa akin kundi pawang suwerte?
Ibigay mo sa akin ang ganyang pananalig, mahal na Ama. Tulungan mo akong maunawaan na anumang trabaho malaki man o maliit ay magbibigay luwalhati sa iyo kapag isinagawa nang buong husay. Ang isiping ito ay nagpapaangat sa aking kabuuan, aking Ama, at tunay na aking nadarama na maharap ko ang daigdig sa paghahanap ko ng tamang trabaho nang walang pagkabahala, may pag-asa at tiwala sa sariling kakayahan! Amen.
Tags: Panalangin para Gabayan Ako ng Diyos sa aking misyon sa Buhay
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

