Panalangin para Gabayan Ako ng Diyos sa aking misyon sa Buhay
“Mapalad ang taong nagagalak na magsaliksik ng banal na aral ni Lord … anumang gawin niya ay tiyak na magtatagumpay” — Mula sa Awit 1
Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, ikaw ang Manlilikha ng buong daigdig. Bawat dahon ng damo ay bilang mo at bawat patak ng tubig ay hindi kaila sa iyo. Bawat bato sa dalampasigan ay may sariling lugar sa iyong dakilang piano.
At alam ko at nadarama ko na bawat sandali ng aking buhay ay pinaglaanan at pinlano mo na sa gayong paraan, mahal na Ama. Alam ko na paglalaanan mo ako ng mga kailangan ko at gagabayan mo ako patungo sa lugar na kung saan mapaglilingkuran kita nang buong husay.
O, Ama, pinasasalamatan kita para sa trabahong ibinigay mo sa akin. At bago ako humiling ng ibang gawain, tunay na pagsisikapan kong isagawa ang trabahong ito nang buong husay. Ngunit minsan nadarama ko na mayroon akong mga kakayahang hindi ko pa napamumukadkad. Minsan pakiramdam ko’y kaya kong gawin ang iba pang klase ng trabaho na mas makalulugod nang higit sa iyo at sa aking mga mahal sa buhay.
Tulungan mo akong mahanap yaong ganoong uri ng trabaho kung yaon ay bahagi ng iyong dakilang plano, mahal na Ama. Turuan mo akong magkaroon ng pananalig sa iyo at sana ay matuto ako kapag nalaman ko na kung ano ang tamang trabaho para sa akin na huwag mabahala kaninuman sa paghanap ko sa trabahong yaon. At pagkat ikaw ay sumusubabay sa akin, ano pa ang darating sa akin kundi pawang suwerte?
Ibigay mo sa akin ang ganyang pananalig, mahal na Ama. Tulungan mo akong maunawaan na anumang trabaho malaki man o maliit ay magbibigay luwalhati sa iyo kapag isinagawa nang buong husay. Ang isiping ito ay nagpapaangat sa aking kabuuan, aking Ama, at tunay na aking nadarama na maharap ko ang daigdig sa paghahanap ko ng tamang trabaho nang walang pagkabahala, may pag-asa at tiwala sa sariling kakayahan! Amen.
Tags: Panalangin para Gabayan Ako ng Diyos sa aking misyon sa Buhay
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »
Panalangin para sa Panloob na ningning at halina
“Lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa panahon ng kanyang pamamayani” – Ecclesiastico 3:11
Kahanga-hanga at makapangyarihang Ama, sa iyo ang kapangyarihan sa lahat ng kapang-yarihan. Sa iyo ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang walang hanggang bukas. Sa iyo ang kaluwalhatian na nagpapaningning ng mga mukha niyaong mga nagmamahal sa iyo nang tapat.
O, Ama, alam mo lahat kami ay hindi magiging maganda ang katawan. Alam mo na minsan kami’y napapagod at nawawalan ng gana, at tila kami’y iyong napababayaan. Minsan nga ganyan ang pakiramdam ko, mahal na Ama, ngunit alam ko na hindi ganyan ang dapat madama niyaring anak mo.
Pagkat tunay na nalalaman ko na kami’y binigyan mo ng kapangyarihang mapuspos ng tuwa, panloob na ningning, at panghalina. Lahat ng ito ay mula sa iyo, mahal na Ama. Mula sila sa isang banal na espiritu at mapagmahal na puso.
Sana, Ama, bigyan mo ako ng gayon ding puso at espiritu. Bigyan mo ako niyaong liwanag na nagmumula sa isang mapagmahal at mabuting anak ng Diyos. O, Ama, nais kong itanglaw ang gayong liwanag sa mga taong minamahal ko. Nais kong ang ningning ng liwanag na yaon ang magsilbing patotoo kung gaano kalaki ang pagbabagong ginawa mo sa akin. Nais kong lumapit sila sa iyo dahil nakikita nila kung ano ang naging kahulugan ng pagmamahal mo sa iyo.
Mahal na Ama, kahit kadarasal ko pa lang, nadama ko na pinupuspos ng iyong kapayapaan ang aking espiritu, ang iyong pag-ibig ay pumipintig sa aking puso. Itinaas ako ng iyong espiritu kaya pakiramdam ko ngayon ay muli akong makasusulong nang may ningning, puno ng tuwa at ng iyong liwanag at pag-ibig! Amen.
Tags: Panalangin para sa Panloob na ningning at halina
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

