Recent entries

August, July, June

Panalangin para sa isang maligayang pag-iisang dibdib

“Mga minamahal, mag-ibigan tayo pagkat mula sa Diyos ang pag-ibig” — 1 Juan 4:7

Mahal kong Ama sa langit, ikaw lamang ang saligan ng aking buhay, pagkat ang iyong karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig ay walang hanggan. Ikaw ang pinakamakapangyarihang lumikha ng lahat ng bagay at siya ng nagtakda ng lahat sa Simula pa man ng daigdig.

Kaya, alam kong nais mo akong lumigaya sa aking pagpapakasal. O mahal kong Ama, kailangan ko ang gayong kaligayahan. Ang puso ko’y umaasam ng pagmamahal mula sa kaisang-dibdib, isang masayang sambahayan, at mabubuting mga supling lahat ay samasamang namumuhay para sa karangalan at kaluwalhatian mo.

Maaari ba, mahal kong Ama, dulutan mo ako ng kaligayahan sa aking pagpapakasal. Ituro mo sa akin na ang pakikipag isang dibdib ay banal at sagrado. Tulungan mo akong maunawaan na kung dumating sa aming pagsasama ang lungkot at kawalan ng tiwala, iyon ay dahil sa pagkaligaw namin sa landas na inilaan sa amin ng mahal mong anak, si Hesus.

O mahal kong Ama, tulungan mo kaming gawing maligaya ang aming pagsasama. Tulungan mo akong gampanan ang aking tungkulin sa pamamagitan ng pagiging matiyaga, at mabait, at maawain. At sa katulad nito, mahal kong Ama, puspusin mo nawa ang puso ng aking kabiyak upang ang pagtitiyaga at kabaitan ay sumakanya rin.

Sa tulong mo, gagawin naming kaaya-aya ang aming pagsasama, mahal naming Ama, na kapwa namumuhay nang payapa at maligaya! Hinihingi namin ang iyong tulong, Ama, at alam naming kami’y iyong tutulungan, pagkat ito’y hinihiling namin sa ngalan ng iyong anak na si Hesus. Amen.

Tags:
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

Panalangin para sa tagumpay sa lahat ng aking gagawin

“Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat” — Awit 138:8

Ama naming nasa langit, nakikita mo lahat, nalalaman mo lahat, at naipaplano mo lahat. Inilagay mo ako rito sa daigdig para sa isang kahanga-hangang dahilan na tanging ikaw lang ang nakaaalam. At binigyan mo ako ng kabuhayan upang mapabuti at mapaligaya ko ang lahat ng anak Mo sa daigdig na ito.

O Ama, alam mo ang inabot kong hirap masunod ko lamang ang iyong kalooban. At minsan, nahihiling kong sana’y mabatid ko ang mangyayari bukas nang sa gayon, malaman ko tuloy kung ako’y magtatagumpay at magkakaroon ng magandang kapalaran sa aking mga gagawin. Subalit kung di man magkagayon, alam kong sapat nang gabayan Mo ako nang dahan-dahan, isang hakbang bawat baitang.

Tulungan mo ako, mahal na Ama, tulungan mo akong magkamit ng kahanga-hangang tagumpay sa buhay kong ito. Itayo mo akong muli sa aking mga paa malusog, malakas, maligaya, at mapagwagi sa anumang gawain.

Gabayan mo ako araw-araw, mahal na Ama, tungo sa gawaing ikalulugod mo. Lumagi ka sa aking tabi; nangangako akong gagawin ang buo kong makakaya, Ama. Turuan mo akong makinig sa iyong tinig. Tulungan mo akong maging mabuti, matapat, at magkaroon ng dalisay na puso. Tulungan mo akong gumawa nang buong sipag at tiyaga upang malampasan ko ang lahat ng hadlang.

Pagkat ako’y hindi mapapagod, mahal na Ama, kapag alam kong ikaw ay nasa aking unahan, pinapatnubayan ako para magtagumpay. Purihin ang iyong ngalan, mahal na Ama, pagkat ako’y hindi mo pinababayaan. Sa ngalan ni Hesus, ako’y nananalangin. Amen.

Tags:
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

Page 14 of 16« First...101213141516