Panalangin para aliwin sa kalungkutan

Panalangin para Ako’y aliwin ng Diyos sa aking kalungkutan

“Aaliwin kita sa Jerusalem, Tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak” — Isaias 66:13

Ama ng walang hanggang awa at aliw, kinahahabagan mo ang lahat ng tao, hayaan mong damhin ko ang iyong pagdamay ngayong ako’y nagdarasal.

At anong laki ng pasasalamat ko nang ako’y kinupkop ng iyong pagmamahal nang ako’y manalangin, mahal na Ama. Hindi ko na kailangan pang sabihin sa iyo ang aking lungkot at pangungulila, pagkat alam kong alam mo na ang mga dinanas ko.

Subalit sa gitna ng aking paghihirap, mahal na Ama, nadiskubre kong may dulot na ginhawa at saya ang pagbubukas-loob sa iyo sa pamamagitan ng dalangin. Nagpapasalamat ako sa iyo sa pribilehiyong ito, mahal na Ama, at ipagpaumanhin mo na madalas kong makaligtaang manalangin.

Sana, mapagmahal na Ama, tulungan mo akong kayanin ko ang aking lungkot at pangungulila. Tulungan mo akong maunawaan na tanging sa iyo ko lamang matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Palakasin mo ang aking pananalig, mahal na Ama, upang ako’y malugod sa iyong pag-ibig.

Turuan mo akong tanggapin na ang lungkot ay panandalian lamang subalit ang ligayang pangako mo ay pangmatagalan. Turuan mo akong malibang sa pagsasagawa ng aking mga pang araw-araw na gawain upang sa paglipas ng oras ay mawala ang mga lumiligalig sa akin. Tulungan mo akong dumamay sa kalungkutan ng kapwa’ ko upang ang sarili kong lungkot ay maihinga ko rin sa kanya, at nang gumaang ang aking dinadala.

Maski ang munting dalanging ito ay napasaya ako, mahal na Ama. Pakiramdam ko ay mas napalapit ako sa iyo, kumpara noon, noong kaytagal nang panahon iyon. At sa unang pagkakataon, ako’y totoong nagsimulang makakita ng bahagyang sinag ng liwanag, liwanag ng kaligayahan muli. Amen.

Tags:
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

Leave a Reply