Panalangin para dinidining ng Diyos ang Aking mga dalangin
Panalangin para Ako’y laging manalig na dinidining ng Diyos ang Aking mga dalangin
“Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya” — Hebreo 10:22
Kahanga-hangang Diyos, aking Ama sa langit, hindi ako pababayaan ng iyong walang-hanggang pag-ibig. Dumudulog ako sa iyo tulad ng isang pagod na musmos na matagal nang nawalay sa kanyang magulang.
O, lubos kitang pinasasalamatan para sa kapayapaang ito, malayo sa mabigat na trabaho at mga pangamba. Nais kong makipag-usap sa iyo at maglakad nang kasama ka at nais kong angkining ikaw ay ama ko!
Ikaw lamang ang nakaalam, aking Ama sa langit, kung gaano kabigat ang aking dala-dalang pasanin. Wala akong makausap sinuman. Alam mo kung gaano ako kadalas manalangin, subalit ang isip ko’y lumilipad, malayung-malayo sa inuusal ng aking bibig.
Alam mo kung gaano ko kadalas kinailangang manalig na dinidinig mo ang aking dalangin.
Ibigay mo uli sa akin ang gayong pananalig, mahal na Ama malalim, tunay, at walang maliw na pananalig. Tulad ng isang musmos na may mapagmahal na ama, hayaan mong ipaubaya ko sa iyo ang aking kapalaran. Hayaan mong magkalapit tayo at tumatag ang aking pananalig. Bigyan mo ako ng pananalig, pananalig na ikaw ay laging nakikinig sa aking mga dalangin at palagi kang tumutugon nang buong dunong!
Tulungan mo ako, mabait na Ama, na madamang ako’y may gayong kalakas na pananalig sa lahat ng oras, malulungkot man o masasayang sandali. Punuin mo ako ng pananalig na makapananaig sa mga bagyo ng buhay, pananalig na bawat dalangin ko’y sinasagot mo sa iba’t ibang paraan!
Ibigay mo sa akin ang pananalig na magpapaligaya sa akin gaya ngayon masigla, mapagpasalamat, at maginhawa. Amen.
Tags: Panalangin para Ako'y laging manalig na dinidining ng Diyos ang Aking mga dalangin
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

