Panalangin para gabayan sa pakikipagkaibigan
Panalangin para gabayan Ako ng Diyos sa mga kasayahang dulot ng Pakikipagkaibigan
“May pagkakaibigang madaling lumamig Ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid” – Kawikaan 18:24
Makapangyarihang Diyos, pag-ibig mo’y hindi ko lubos na matatalos at ang karunungan at kabutihan mo ay walang hangganan. Ang pinakamahalagang sandali ng aking buhay ay lapitan ka para makilala ka nang lubos bilang aking tunay na kaibigan at tagapangalaga.
Ngunit kadalasan, mahal na Ama, ako ay nangungulila; gusto kong magkaroon ng mga kaibigan dito sa mundo mabubuting lalake at babae. Kay rami nang nilalang ang dumaan sa aking harapan at hindi man lang sila bumati, o tumango, o ngumiti sa akin. Ama, sobra ang lungkot ko sa ganoong mga pangyayari.
Pagkat alam mo na nais kong madama na ako’y mahalaga, kailangan, at minamahal dito sa mundo. Alam mo kung gaano katindi ang pagsisikap kong maghanap ng mga kaibigang tunay at tapat.
Sana, mahal na Ama, tulungan mo akong magkaroon ng tunay at tapat na mga kaibigan. Tulungan mo akong kagiliwan ng ibang tao nang matupad ko ang iniutos mo. Kapag may nakaharap akong ibang tao, saan mang lugar, sana ay tulungan mo akong maging magiliw sa kanila. Sana ay tulungan mo akong mag-isip ng mga bagay para sa ikabubuti ng aking kapwa, sa halip ng kung ano ang magagawa nila para sa akin. At tulungan mo ako, mahal na Ama, na pawang magagandang impresyon ang isasaisip at ikukwento ko tungkol sa kanila. Sa gayong paraan, alam ko, ako’y bibiyayaan mo ng maraming kaibigan.
Mas maginhawa ang pakiramdam ko ngayong ako’y nananalangin sa iyo, mahal na Ama. Maaasahan kang kaibigan kaya’t alam kong tutulungan mo ako. Payapa ako pagkat alam kong dininig mo ang aking panalangin para ako’y magkaroon ng mga kaibigan. Sa ngalan ni Hesus, hinihiling ko ito. Amen.
Tags: Panalangin para gabayan Ako ng Diyos sa mga kasayahang dulot ng Pakikipagkaibigan, Panalangin para gabayan sa pakikipagkaibigan
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

