Panalangin para lagi kong maalalang mahal ako ng Diyos
“Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatiling umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos” – 1 Juan 4:16
Mahal kong Diyos sa kaitaasan, ikaw ang makapangyarihan sa buong kalupaan at buong karagatan at buong kalawakan at sa lahat ng bagay na naroroon. Nakikita at nalalaman mo ang lahat.
Ngunit, mahal kong Diyos, kahit ikaw ay nasa kaitaasan, alam kong ako’y kinakalinga mo nang buong giliw at pagmamahal at pag-unawa. Nakangiti ang iyong maamo at mabait na mukha sa akin.
Pagkat ikaw ang Ama ko. Mahal mo ako at lagi mo akong iniingatan. Alam ko ito, Mahal kong Diyos, at buong puso akong nagpapasalamat sa iyo!
Mahal kong Ama sa kaitaasan, nawa’y lagi akong magtiwala at manalig, tulad ng tiwala at pananalig ng isang bata, sa iyo! Sa mga panahong madilim at magulo, kung ako’y natatakot o nasaktan, tulungan mo akong maalalang ikaw ay nandiyan lang at ako’y handa mong tulungan.
Tulungan mo ako, Ama, na maunawaan ang iyong mga Batas ng Buhay at mamuhay nang ayon sa mag ito dahil alam ko, Mahal kong Diyos, na kapag gayon ang ginawa ko, ako’y gagantimpalaan mo ng maluwalhating kalusugan at kaligayahan, lahat ng tuwa at masaganang mga biyaya na siyang loob mo para sa akin at sa lahat ng iyong mga anak!
Sa ngalan ng iyong pag-ibig sa akin, Mahal na Ama, at sa ngalan ng iyong pinagpalang anak, Hesukristo, hinihingi ko ito! Amen.
Tags: Panalangin PARA lagi Kong Maalalang mahal ako ng diyos
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

