Panalangin para makabayad ng utang

Panalangin para tulungan Ako ng Diyos na makabayad ng utang

“Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo’y mag-ibigan” – Roma 13:8

Makapangyarihang Ama sa langit, nilikha mo ang mundo at ang dakilang uniberso, ikinagagalak kong lumapit sa iyo upang magbukas loob tungkol sa mga bagay na gumugulo sa akin nang husto.

Pagkat alam mo kung paano ako nabaon sa pagkakautang, aking Ama. Alam mo kung bakit ko kinailangang mangutang, at kung gaanong hirap ang dinanas at dinadanas ko mabayaran ko lang lahat iyon. Tila yata hindi na ako makaaahon sa pagkakautang, mahal na Ama.

Ama, tanging ikaw lang ang mapagtatapatan ko ng mga bagay na ito. At talagang alam ko na tutulungan mo ako kung ako’y lalapit sa iyo na taglay ang malalim, tunay, at walang maliw na pananalig.

Sana, sana, mahal na Ama, tulungan mo ako pagkat talagang malaki ang aking pangangailan-gan. Kailangang matuto akong mamahala upang mabayaran ko ang aking mga utang. Tulungan mo ako, mahal na Panginoon, na magtabi nang kaunti kada linggo para sa ganoong pangangailangan. Tulungan mo akong magkalakas-loob na harapin ang aking mga pinagkakautangan at sabihin sa kanila ang tunay kong kalagayan. At alam ko, mahal na Ama, na kapag nagawa ko ang lahat ng ito, bibigyan mo naman sila ng iyong mga pagpapala.

O, Ama ng walang hanggang awa, nais kong ganap na maunawaan yaong magandang aral ni Hesus na nagsasabing nalalaman mo ang mga pangangailangan namin. Sinabi ko na sa iyo ang pangangailangan ko ngunit hahanapin ko muna ang iyong kaharian. At alam at nadarama ko na lahat ng kabutihang magagawa ko para sa aking kapwa ay ikatutuwa mo at ibabalik mo rin sa akin. O, ibayong lakas ng loob at pag-asa, at kapayapaan ang ibinibigay nito sa akin. Ngayon pa lang ay nadarama ko nang makapagsisimula na akong umahon sa aking pagkakautang sa kahanga-hangang paraang aking susubukan. Salamat, Ama. Amen.

Tags:
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

Leave a Reply