Recent entries

August, July, June

Panalangin para sa Buhay na walang hanggan sa Langit

Panalangin para sa Buhay na walang hanggan sa Langit

“Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay” — Juan 11:25

Walang hanggang Ama, ikaw ang saligan ng aking buhay. Ikaw ang aking lakas. Ikaw ang sa akin ay nagbibigay ng ginhawa at kasiyahan. Nagpapasalamat ako pagkat kinalinga mo ako nang ako’y manalangin sa iyo.

Alam mong madalas kong ikalungkot ang namamayaning hapis at kapanglawan sa daigdig. Alam mong malimit sumagi sa isip ko ang aking mga mahal sa buhay na yumao na, at tinatanong ko ang sarili kung nasaan na sila. Payapa at maligaya ba sila sa kinaroroonan nila?

O, mahal na Ama, tulungan mo akong kayanin ko ang aking lungkot at pangungulila. Palakasin mo ang aking pananalig sa iyo nang higit pa sa dati. Turuan mo akong maunawaan na ang buhay at kamatayan, ang lungkot at saya ay bahagi ng iyong dakilang plano para sa akin. Turuan mo akong kumilos nang pasulong, hindi paurong; tumingin sa itaas, hindi sa ibaba.

Lapitan mo ako ngayon at bigyan ako ng kaginhawahan, mahal na Ama. Tulungan mo ako nang husto at nawa’y madama ko na si Hesus talaga ang muling pagkabuhay at ang buhay. Tulungan mo akong maunawaan na sinumang maniwala sa kanya ay magtatamo ng buhay na walang hanggan sa kanyang kaharian sa langit. Tulungan mo akong maunawaan na ang aking mga mahal sa buhay ay ligtas at masaya sa piling mo na ikaw mismo ang pumahid sa kanilang luha.

Anong laking ginhawa ang aking nadama kahit na inihinga ko lang sa iyo ang aking kalungkutan, mahal na Ama. Totoo, ako ngayo’y nagpa-pahinga rito nang tahimik at payapa pagkat alam ko na ako’y mamahalin at kukup-kupin mo magpakailan man, sa pamamagitan ng aming Panginoon at Tagapagligtas, si Hesukristo. Amen.

Tags:
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

Leave a Reply