Panalangin para sa isang maligayang pag-iisang dibdib
“Mga minamahal, mag-ibigan tayo pagkat mula sa Diyos ang pag-ibig” — 1 Juan 4:7
Mahal kong Ama sa langit, ikaw lamang ang saligan ng aking buhay, pagkat ang iyong karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig ay walang hanggan. Ikaw ang pinakamakapangyarihang lumikha ng lahat ng bagay at siya ng nagtakda ng lahat sa Simula pa man ng daigdig.
Kaya, alam kong nais mo akong lumigaya sa aking pagpapakasal. O mahal kong Ama, kailangan ko ang gayong kaligayahan. Ang puso ko’y umaasam ng pagmamahal mula sa kaisang-dibdib, isang masayang sambahayan, at mabubuting mga supling lahat ay samasamang namumuhay para sa karangalan at kaluwalhatian mo.
Maaari ba, mahal kong Ama, dulutan mo ako ng kaligayahan sa aking pagpapakasal. Ituro mo sa akin na ang pakikipag isang dibdib ay banal at sagrado. Tulungan mo akong maunawaan na kung dumating sa aming pagsasama ang lungkot at kawalan ng tiwala, iyon ay dahil sa pagkaligaw namin sa landas na inilaan sa amin ng mahal mong anak, si Hesus.
O mahal kong Ama, tulungan mo kaming gawing maligaya ang aming pagsasama. Tulungan mo akong gampanan ang aking tungkulin sa pamamagitan ng pagiging matiyaga, at mabait, at maawain. At sa katulad nito, mahal kong Ama, puspusin mo nawa ang puso ng aking kabiyak upang ang pagtitiyaga at kabaitan ay sumakanya rin.
Sa tulong mo, gagawin naming kaaya-aya ang aming pagsasama, mahal naming Ama, na kapwa namumuhay nang payapa at maligaya! Hinihingi namin ang iyong tulong, Ama, at alam naming kami’y iyong tutulungan, pagkat ito’y hinihiling namin sa ngalan ng iyong anak na si Hesus. Amen.
Tags: Panalangin para sa isang maligayang pag-iisang dibdib
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

