Panalangin patungo sa landas ng Diyos
Panalangin para matagpuan ng ibang Tao ang landas patungo sa Diyos
“At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian” – Marcos 13:26
Walang simula’t walang hanggan, mapagmahal na Ama sa langit, ang Espirito mo ay nasa lahat ng dako ng sansinukob at sandaigdigan at ang puso ay nagmamahal sa lahat, dinggin mo ako ngayon sa aking panalangin, at palakasin mo ang aking pananalig sa iyong di-magmamaliw na pag-ibig.
Ako ay lubos na natutuwa sa iyo, mahal na Ama, kaya kung minsan nais kong basta na lang sumigaw: “Gloria, halleluiah!” At nais kong ikalat ang iyong mensahe sa buong daigdig.
Pagkat marami sa aking pamilya at sa ibang lugar ang may mabigat na dinadala, na nangangailangan ng napakalaking halaga. O, kung maipakikita ko lamang sa kanila kung anong ligaya ang kakamtin nila kapag namuhay sila ayon sa iyong mga kautusan at sa ilalim ng iyong pag-ibig!
Hindi iyan madaling gawin kung salita at lakas ko lamang ang aasahan, Amang mahal. Ngunit alam kong nangako kang palalakasin ang lahat na tumawag sa iyo. Kaya sana, Ama, tulungan mo akong ipakita sa kanila kung paanong ang pag-ibig ko sa iyo ay bumago nang malaki nang lubos sa akin. Sa gayon, mauunawaan nila kung ano ang nagagawa ng iyong pag-ibig.
Tunay, ngayon pa lang ay nakikita ko na ang mga pagbabagong naganap sa ilang nilalang na hinatiran ko ng Mabuting Balita, mahal na Ama. Pero tulungan mo ako na patotohanan ang iyong mapagpalang kapangyarihan doon sa mga taong ayaw pa ring makinig. Tulungan mo akong maging mapagtimpi hanggang ang iyong espirito ay pumuspos sa kanila gaya ng pagpuspos nito ngayon sa akin.
Gawaran mo ako at lahat ng nagdurusang kaluluwa ng kaginhawahan, katiwasayan, at kapayapaan! Amen.
Tags: Panalangin patungo sa landas ng Diyos
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

