Panalangin sa pagtataguyod ng Pamilya

“Panalangin para sa Tulong ng Diyos sa pagtataguyod ng Aking Pamilya”

“Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at sa kanyang paglaki’y di niya ito malilimutan” – Kawikaan 22:6

Mapagmahal na Ama sa langit, manlilikha ng lahat ng bagay na buhay, ngayon ang tamang tiyempo para ako’y tumawag sa iyo tahanang ito na ipinagkaloob mo sa amin at dito mo ako biniyayaan ng isang mapagmahal at mabuting pamilya.

Alam mo ang lahat tungkol sa amin, mahal na Ama, kaya hindi ko na kailangang sabihin sa iyo ang mga pagsubok na madalas kong kinakaharap sa pagtataguyod ng aking pamilya. Alam mo kung paano ako napapagod at nahahapo sa pagsubaybay lang sa kanila, at kung paano nila ako pinag-aalala paminsan-minsan. Sila ay mapagmahal at mabubuting anak, Ama, subalit minsan ang kanilang pananalita at ginagawi ay hindi yaong aking inaasahan mula sa kanila. Nauunawaan mo ako, Ama, di ba?

Tulungan mo akong maging mabuting magulang, mahal na Ama, at nang maitaguyod ko ang aking pamilya nang tama. Tulungan mong lagi kong matandaan ang nasa loob ko na musmos man o malaki na, silang mga anak ko sila ay mananatiling aking mga sanggol. Tulungan mo akong laging alalahanin ito at nang sa gayon, maunawaan ko sila at matutulungan. Turuan mo ako nito at nang mahubog ko sila upang sila’y maging mabuti, matapat, at banal.

O Ama, alam kong naririnig mo ang aking dalangin. Alam kong mamahalin, pangangalagaan, at gagabayan mo ako at ang aking pamilya, at tutulungan mo akong itaguyod sila upang kami’y maging isang kaibig-ibig at maligayang pamilyang naglilingkod sa iyo.

Sa ngalan ni Hesus na kumalong ng maliliit na bata at nagwika: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata… sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.” Amen.

Tags:
Posted in Tagalog Daily Prayers | No Comments »

Leave a Reply